Isang napakalaking halaga ang kinakailangan para lamang makapag-aral sa isang unibersidad o paaralan pangkolehiyo. Ang pagbabayad ng tuwisyon, kinakailangan sa pang-araw-araw, bayarin sa paaralan maging ang iba pang itinatagong bayarin ng administrasyon, ay ang mga patuloy na pumipigil sa pangarap ng isang Pilipino. Ang edukasyong karapatan ng bawat mamamayan ay nananatili nalang yatang isang salita. Pataas na nang pataas ang gastusin sa Pilipinas, maging ang edukasyon ay tumataas din. Tila baga ay naging isa na lamang ginto ang isang bakal na pangangailangan ng mamamayan.

Isang araw ay nasaksihan ko ang mga kabataang hayok sa pag-asang makamtan ang libreng edukasyon. Sila ay mga nag-aaral sa isang sikat na unibersidad dito sa Pilipinas kung saan ang mga estudyante ay tinatawag na Iskolar ng Bayan. Iskolar ng bayan ang tawag subalit ang kabayaran sa katagang sa kanila’y itinatanyag ay ang napakalaking singil sa oportunidad na nakalaan sa kanila. Umaabot sa mahigit kumulang 20, 000 ang kinakailangang bayaran at gastusin ng mga kabataang nag-aasam lamang matuto at maiahon sa kahirapan ang kanilang pamilya. Bakit umaabot sa ganitong halaga ang singil sa isang karapatan ng mamamayan? May nagawa na ba ang gobyerno ukol dito?

Kagabi lamang ay pinirmahan na ng Pangulong Duterte ang isang batas na nagsasaaad ng libreng tuwisyon sa lahat ng SUC sa bansa. Isang malaking hakbang na tinatahak subalit punong-puno ng protesta. Marami ang nagsasabing hindi ito magiging ganoong epektibo at patas sa kadahilanang maraming nag-aaral sa SUC ang “mayayaman”. Isinaad pa ng isang tauhan sa gobyerno ang mga istatistika ng bilang ng mahihirap na nag-aaral sa SUC kumpara sa mga mayayaman. Tila baga ay tumitingin lamang sa kung ano ang negatibong bahagi nito. Oo marami nga ang mga mayayamang makikinabang dito subalit hindi ba rin natin nakikita na sila rin naman ang nagbibigay ng ipangsusustento ng pamahalaan. Isa pa, talagang kakaunti ang bilang ng mga mahihirap sa mataas na paaralang pangkolehiyo sapagkat ang karamihan ay walang kakayahang bayaran ang napakalaking halaga ng pag-aaral sa kolehiyo. Kung kaya’t malaki ang maitutulong ng bagong batas na ito hindi lamang sa mayayaman kundi maging sa mahihirap. Iyon ay kung magiging maayos ang IRR ng batas na ito. Subalit sapat na ba?

Hindi lamang tuwisyon ang pinoproblema ng kabataang nasa kolehiyo ngayon. Ilan sa kanila ay mga galing pa sa ibang bahagi ng bansa kung kaya’t nangangailangan sila ng bahay-panuluyan na dagdag sa halaga ng pag-aaral. Syempre, sa araw-araw ay dagdag pa ang pagkain. Isama mo pa ang bayarin sa mga kursong kanilang kinukuha. Marami ang gastusin ng isang mag-aaral  kung kaya’t marapat lamang na huwag na itong dagdagan o palakihin pa. Bawasan na ang mga bayaring hindi naman napakikinabangan ng mag-aaral. Alisin ang mga pandagdag lamang bayarin.

Subalit, hindi dapat iasa sa gobyerno ang lahat. Oo may malaking parte ang gobyerno dito subalit mayroon din tayong parte. Para sa kabataang nagnanais ng maayos na pamilya at buhay sa hinaharap, pagsikapan mong makatapos ng pag-aaral. Huwag pumasok sa pagpapamilya kung alam mong hindi mo mabubuhay ng maayos ang pamilya mo. Kita mo na, malaki na nga ang presyo ng pag-aaral sa bansa, hindi mo pa rin ba iisipin kung kailangan ka papasok sa pagpapamilya? Para naman sa mga magulang, isang responsibilidad ang pag-aralin ang anak sapagkta ito rin naman ang makakatulong sa inyo balang araw, yun ay kung wala kayong maayos na negosyo. Dalawa lang yan, negosyo o trabaho. Kaya, pag-isipan mo rin ang pag-aaral ng magiging anak mo bago ka pa man pumasok dito. Para naman sa gobyerno, ang trabaho nyo ay ang pagsilbihan ang mamamayan, iyan ang inyong sinumpaang tungkulin hindi ang pagpapayaman, kaya, marapat laman na mag-isip ng mga paraan kung paano natin mapabababa ang halaga ng bilihin at ng edukasyon. Mahalagang aspeto rin naman sa ekonomiya ang edukasyon, kung kaya’t marapat lamang na bigyan din ito ng halaga hindi lamang ang puwersang pangseguridad at panlaban. Saludo ako sa unang hakbang na ginawa ng pangulo sa edukasyon subalit hindi pa rito natatapos ang lahat, mayroon pang iniintay na IRR at ilang aspeto. Sama-sama nating iparating sa pamahaalaan ang suporta at mga ideya hindi sa dahas na pamamaraan kundi sa propesyunal na talakayan at maayos na pakikipag-usap.

 

Advertisements